sapantaha...pagmumuni...buhay...

Friday, August 18, 2006

"handa na akong mamatay ngayon, tutal nagawa ko na ang lahat ng gusto kong gawin sa buhay...bagamat may kulang pa, tanggap ko ang realidad na hindi sapat ang buong buhay ng tao upang gawin ang lahat, " iyon ang namutawi kay existen habang tinatahak ang daan ng kanto silangan ng bayan ng direccion

mabigat na pasimula, masyadong seryoso, masyadong mabigat. pero di ba ganun naman talaga ang buhay - mabigat, seryoso; nasa tao na lang kung paano niya titingnan at dadalhin ito. pwedeng itrato bilang leather bag na mabigat at punong puno ng gamit - buong buhay dala - ang kasalukuyan, nakaraan. pero maari naman maging isang shoulder bag lang ito - kung saan mga importanteng kagamitan lang. pwede rin naman na transparent plastic bag - magaan pero lantad ang buong pagkatao.

sabi nila makikita daw ang personalidad ng isang tao sa laman ng kanyang bag. bakit naman? sino naman kayang pilosopo ang nagimbento nito, si kris aquino? pero hindi naman siya pilosopo, at tsaka bakit naman maniniwala sa isang tulad niya. pero ito ang laman ng bag ni existen - lipstick na revlon, regalo daw ng tiyahin niya - dahil hindi niya afford bumili nito; isang bolpen na locknock na pilot, isang maliit na notebook, tissue pack, pressed powder, body shop lip gloss, coin purse, isang parisukat na wallet at ilang resibo. may nabasa ka ba sa personalidad niya? wala naman di ba. malabo talagang alamin ang kanyang katauhan.

paminsan ligalig. laging puno ng enerhiya para wala namang direksyon. pero masaya siya sa katayuang ito. bagamat patuloy ang paghahanap ng kahulugan sa buhay, ngunit patuloy rin namang nakikibaka sa hamon buhay.

maraming pangarap pero salat sa pangangailangan upang matugunan ang pangarap.

kung iisipin nga sadyang wala na rin siyang mahihiling pa sa buhay. nagawa na niya ang halos gusto niyang gawin - maliban na lang sa pagbiyahe sa europa at ibang bahagi ng asya; naabot na niya ang pangarap na mapabilang sa kinapipitagang istasyon ng telebisyon. nagawa na niyang magkaroon ng isang relasyon na maiksi lamang ngunit may napakatatamis na alaala. pero sadyang mapagbiro ang buhay. hindi nito ipapadama sa iyo ang lahat upang magkaroon pa ng espayong nakalaan upang magpatuloy kang maghangad ng mga bagay-bagay.